Feb 18
BAKIT LUNA? by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, Feb 18, 2009

Naumpisahan sa forum ng FAP website at nasundan ng ilang emails ang tanong kung bakit ginawang Luna Awards ang dating Film Academy awards. Madaling sagutin yan pero ang mahirap sagutin ay ang sinasabi nilang mula nang gawing Luna ang pangalan ng awards ay minalas na raw, hindi lang dahil laging late ang awards night kundi pati na ang Film Academy na halos wala na yatang bugdet mula sa gobyerno.

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging superstitious lalo na kapag tinamaan tayo ng misfortune. Sa kaso ng Luna, obvious namang mahina na talaga ang movie industry kaya natural din na maging mahina ang mga organisasyong involved dito. Hindi nga ba’t dahil sa kakontian ng mga pelikula ay maraming artista ang nagugutom ngayon? Kung sakaling totoo nga na minamalas ang Film Academy ay hindi ito kasalanan ng pangalan dahil hindi ako naniniwalang ang Feng Shui ang nagdidikta ng ating kapalaran.

Back to Luna, nakakatuwang isipin na ako ay naging bahagi sa pagtuklas sa pangalan ng FAP statuette. Noong taong 2005 ay nagpa-contest ang FAP website ukol sa pagbibigay ng pangalan sa nasabing FAP statuette. Ilang gabi akong hindi nakatulog dahil sa pag-iisip kung ano ang magandang pangalan na para bang puwedeng itapat sa Oscar ng Amerika. Hindi naman talaga dahil sa cash prize ang aking mithi kundi gusto ko lang talagang maging bahagi ng history ng Film Academy.

Isang babae na simbolo ng kayamanan ng Pilipinas sa sining, na titingalain ng madla, na magiging kinatawan ng tagumpay. How about Tagumpay? Magandang pangalan ang Tagumpay pero walang dating. Luningning kaya? Pero may kantang Luningning ang pamagat na ang tugtog o melody ay hindi yata nababagay sa nasabing statuette. Corazon o Charito? Para akong isang buntis na malapit nang manganak dahil feel ko na very challenging pala ang pag-isip ng pangalan.

I settled for Maria Clara. Maraming dahilan kung bakit pero ang unang dahilan ay sikat na kasi ang pangalang ito na isang character mula sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Tama, magandang pangalan talaga ang Maria Clara dahil siya ang embodiment ng isang tunay na Pilipina. Kesa naman sa Sisa ano?

art-09feb18-bakit-luna-pic-1.jpg
The author with a mock pictorial while holding the old trophy

After one week na nag-input ako ng entry sa FAP website ay naglabas ng summary ng mga entries at hindi kasali ang entry ko. Nagkaroon siguro ng problema kaya I was advised to just re-input my entry.

Ang araw ng paghuhusga ay dumating noong May 7, 2005. Ang affair ay ang pagbibigay ng premyo sa mga winning suggestions para sa pangalan ng FAP statuette. Sa wakas ay nakatuntong din ako sa FAP office. Simple pero maayos ang opisina na puno ng mga cubicles ng mga guilds. Nakita ko ng personal si Leo Martinez, ang FAP Director General, pati na si Atty. Laxa na FAP Chairman. Ang host ay si Boots Anson-Roa na napakaganda pala sa personal.

And as we all know, LUNA ang napiling first prize na siyang magiging pangalan ng statuette. Nagkataon naman pala na ang original design ng statuette ay nagmula o inspired ng drawing ni Juan Luna, ang kauna-unahang national artist natin. And to mention na si Juan Luna ang may gawa ng legendary Spolarium noong panahon ng Kastila na naging controversial nang bilhin ng GSIS ang painting mula sa Hongkong auction house sa pangunguna ni President Winston Garcia.

Ang masuwerteng nagbigay ng pangalang LUNA sa FAP website ay si Dr. Romeo Cando ng Manila Health Department at Baltazar Dela Cruz na isang college student. Silang dalawa ay kapuwa nag-uwi ng tig-5,000 pesos.

Si Valerie Bacay ang nagtamo ng second prize na 3,000 pesos para sa entry niyang TALA. Third prize went to Bing Manalo of GMA-7 para sa pangalang MARIA CLARA. Hindi naman ako luhaan dahil may consolation prize ako ng 1,000 pesos dahil isa ako sa 4 na nagpadala ng pangalang Maria Clara. At kaya naman pala hindi nagwagi ang Maria Clara ay dahil matagal na itong nagamit sa movie industry. Maria Clara kasi ang original name ng FAMAS trophy, the first award-giving body sa movie industry.

After a few weeks ay nag-debut na si Luna sa Westin Philippine Plaza kung saan idinaos ang unang Luna Awards (it was actually the 23rd FAP awards). Sosyal na sosyal ang awards night na yun dahil bukod sa magagandang decoration sa loob ng Westin Tent ay formal ang required attire. Si Martin Nievera ang host ng gabing iyun na meron pang fireworks at gala dinner (para sa mga celebrities).

Napakasaya ng paglitaw ni Luna sa madla dahil may TV coverage pa iyun kahit sabihing delayed telecast lamang. At hindi mabilang ang artistang nagsidating sa kanilang naggagandahang kasuotan. Ang nakakalungkot lang isipin ay hindi ako nakadalo despite sa hawak kong invitation na mismong si Leo Martinez ang nag-abot sa akin. Napakalayo kasi ng Westin sa tinutuluyan ko noon at natatakot akong maligaw. Talk of being a provinciana na hindi pa dugay sa Maynila.

In the course of time ay natanggap na rin ng mga tao ang pangalang Luna. And two years ago ay napakaganda ng ginawang innovation ng Film Academy sa kanilang Luna Awards. All nominees were each given a small statuette called Lunette, smaller but exact copy of the real thing. Sabi nga ni BJ Forbes noong 2006 Luna Awards sa Pagcor, para na raw siyang nanalo kahit nominee pa lang dahil may trophy na agad.

Para naman sa akin, ang pagsilang ng pangalang Luna ang nagbigay ng daan para ma-meet ko ang ating website editor na si Director Joe Carreon. In that same occasion ko rin na-meet ang mga kapuwa ko web writers na sina Issa Sebullen, na kelan lang ay natamo ang kanyang PhD, si Vince Ragay na isa palang licensed civil engineer at si Tante De Ramos na isa ring acting talent. Naroon rin ang aking benefactor na si Alex Socorro. Siya ang nag-encourage sa akin para sumulat ng web articles at siya rin ang nagturo sa akin sa paggamit ng computer at internet.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/