Jan 27
CINEMA GROSSINGS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Tue, Jan 27, 2009

Marami ang hindi bilib sa mga box office results na lumilitaw sa mga dyaryo natin. Hindi gaya sa Amerika na may Mojo Box office para sa mga official figures ng gross sales, sa mga local movies ay walang ganun kaya puwede talagang gawing padded ang mga numero. Para sa producer ay malaking tulong ang press release ng gross lalo na kung showing pa ang pelikula.

Sa mga foreign movies ay pangkaraniwan na ang mga reports ng blockbuster movies gaya ng Spiderman, Batman at iba pang pambatang movies. Ang mga sales figures nila ay hindi lamang sa kanilang bansa kundi sa buong mundo pa. Ang accuracy ng sales report ay batay sa actual na perang pumasok sa mga sinehan kaya confirmed and verified ang mga naka-publish na figures. Walang alinlangan ang tao sa kanilang nababasang gross sales figures dahil alam nilang hindi promo purposes lang.

Pero hindi lang blockbuster movies ang binibigyang pansin sa Hollywood. Meron din silang list of flops. Narito ang ilan sa mga foreign movies na masasabing hindi nakaabot sa expected gross sa taong 2008.

Ang Semi-Pro ng comedian na si Will Ferrell ang unang nadulas pagdating sa bentahan dahil nakalikom lang ito ng total na $33 million sa US market. Kasunod nitong sumemplang ang Leatherheads ni George Clooney na kumita lamang ng $41 million sa buong mundo. Hindi rin naligtas sa listahan ng flop si Nicolas Cage dahil ang movie niyang Bangkok Dangerous ay hindi man lang umabot sa $40 million despite sa global showing nito.

Dagdag pa ng report, “The weak performances of these and other star-vehicles may be bombshells for some studio executives, but they come as no surprise to a growing cadre of academics studying the economics of film making and, more specifically, the bankability of stars. Their conclusion: big stars don’t guarantee big success, and their big salaries are seldom justified.”

Kahit problematic na rin ang movie industry sa abroad ay astronomical pa rin ang talent fee ng mga big stars nila kaya malaki pa rin ang production budget. Hindi gaya dito na kusang nagbawasan ng talent fee demands ang mismong mga artista. Kaya kahit kumita ng $50 million ang isang big-budgeted movie sa Hollywood ay hindi pa rin makabawi sa puhunan. Take note na malaking bahagi ng budget ay ang gastos para sa promotion lalo na kung ipapalabas sa iba’t-ibang bansa. (Nakakatuwang malaman na mataas at standard ang bayad sa mga scriptwriters, cinematographers, editors, at iba pang production people sa Hollywood dahil protektado sila ng kani-kanilang guilds).

Dito sa local movie industry ay iilang producers na lang ang lumalaban ng sabayan gaya ng Regal, OctoArts at Viva dahil bukod sa mga problema ng piracy at kamahalan ng production costs ay totoo namang kumonti na yata ang mga movie-goers. Marami rin ang naghihintay na lang na ipalabas sa cable kung hindi makabili ng pirated DVD. At parang direct competition na rin ng movies ang internet dahil nagkalat ang mga video clips sa youtube at sa iba’t-ibang websites. At karamihan pa ng kabataan ngayon ay nahihilig sa mga online computer games.

Ayon sa news article sa FAP website na ito ay 58 movies lang ang locally produced last year. Malaking bahagi nito ay mga indie o yung tinatawag na digital. At ang 8 sa 58 movies ay produkto o mga entries sa MMFF (Metro Manila Film Festival). Ang kakontian ng mainstream movies ay isang palatandaan na talagang maingat na ang mga producers sa kanilang pera dahil hindi biro ang magbuhos ng ilang milyon at pagkatapos ay hindi naman makakabawi.

Ang MMFF ang tanging festival na nagbibigay ng pagkakataon sa isang pelikula para kumita ng malaki dahil sa duration ng festival mula Dec. 25 hanggang New Year ay bawal magpalabas ng foreign movies. Kaya ang mga moviegoers ay no choice kundi panoorin ang mga Tagalog movies na handog ng MMFF. At sa nakaraang MMFF na may 8 entries ay hindi man lang umabot ng 10 million ang gross ng 3 movies. Ang Magkaibigan ni Sen. Jinggoy Estrada ang may pinakamaliit na gross na sumayad lamang sa P2 million. Considering na connected kay Rudy Fernandez ang nasabing pelikula pero hindi ito tinangkilik nang husto.

Incidentally, the recent MMFF saw the participation of the first full digital animated movie na DAYO. Two years in the making daw at mahigit 50 million ang budget dito. Sinabi naman ng mga producers na ang target nila ay global exhibition ng DAYO dahil alam nilang hindi kayang bawiin ang gastos kung dito lang sa Pilipinas ipapalabas ang nasabing animation movie. Ang DAYO ay kumita lamang ng 5 million sa duration ng MMFF period.

Ang award-winning Baler ay katamtaman naman ang kinita. Maaring nag-profit ang producer sa 35 million gross nito pero considering the big cast and production cost sa set at costume (dahil period film ito) baka hindi pa nakabawi sa puhunan ang Baler. By the way, subsidized daw ng Pagcor ang production ng Baler. On a brighter note, nakapaglista ng record 450 million overall gross ang MMFF 2008.

Totoo siguro ang kasabihang there’s no such thing as a formula for box office success dahil kahit ang Regal Films na kilala sa mga box office hits ay nakakaranas din ng tinatawag na flop. Ilang beses nagsalita si Mother Lily na nalugi ang kanyang movie. At naiinis pa nga siya dahil wala raw maniwalang lugi siya. Mabuti na lang at kumikita pa rin ang kanyang Shake, Rattle and Roll series tuwing festival period.

Kahit ang GMA Films na sinasabing sigurista sa puhunan ay nalugi rin sa isa sa kanilang latest venture na Batanes dahil mas malaki ang production cost kaysa sa net sales. Set in the remote Batanes islands, nabigo si Iza Calzado na bitbitin ang movie. May balita rin na hindi nakabawi ang I.T.A.L.Y. na pinagbidahan ni Jolina at Dennis Trillo at sa mismong Italy pa ang shooting. Ito ang dapat na movie comeback sana ni Gabby Concepcion pero hindi natuloy dahil sa technical problem ng contract.

Ang OctoArts na ilang taong namayagpag sa mga Enteng Kabisote series ay nabigo sa kanilang One Night Only sa nakaraang MMFF dahil hindi lumagpas ng 10 million ang naging gross nito. Buti na lang at malaki rin ang kinita ng Iskul Bukol kahit sabihing pumangalawa lang ito sa Tanging Ina ni Ai-ai Delas Alas.

Pagdating sa mga artista ay wala ring bankable star na masasabi pagdating sa box office gross except Robin Padilla dahil wala pa raw movie na nag-flop si Robin. Yun siguro ang dahilan kung bakit lumilitaw na highest paid si Robin sa TV. Syempre kasunod ni Robin ang mga favorite male TV stars gaya ni Piolo Pascual, Richard Gutierrez, Dingdong Dantes, etc.

Inaasahan na sa taong 2009 ay mas makakahigit na ang bilang ng indie movies kaysa sa mga mainstream movies. Ang indie ang so-called digital na low budget. At dahil low budget kaya mas madaling mag-produce kaysa sa mga big budgeted mainstream movies. At kapag naging successful ang mga indie movies, malamang na mawawala na talaga ang mga mainstream at magiging puro digital na lang ang mapapanood natin.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/