Nov 10
ANG AGIMAT NI BONG by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Wed, Nov 10, 2004

by Richzeal Loreche

Ipinanganak na Jose Marie M. Bautista, marami ang nagsasabi na minana ni Bong Revilla ang agimat ng amang si Senator Ramon Revilla, Sr. Unang ipinakita ni Bong ang kanyang agimat nang dagitin niya si Lani Mercado sa murang edad. Marami tuloy ang nag-akala na hindi magtatagal ang kanilang pagsasama ngunit napatunayan ni Bong at Lani na matibay ang kanilang pagmamahalan. Sa pamamagitan ng tiyaga at pang-unawa ay nalagpasan ni Lani ang lahat ng sakit ng ulo na dulot ng pagka-lapitin ni Bong sa mga babae. Kung kani-kanino nali-link si Bong at kung anu-anong blind items ang naglalabasan na hindi naman pinansin ni Lani.

Malaking kasiyahan kay Bong Revilla ang pag-aartista kaya hindi niya binabawalan ang mga anak na pasukin ang mundo ng showbiz. Una niyang binigyan ng break ang anak na si Jolo bilang batang Bong sa pelikulang Agimat. Kasunod noon ay isinama niya ang mga anak na si Bryan at Jolo sa sitcom na Idol Ko Si Kap. Kamakailan ay nag-over the bakod si Jolo at sinamahan ni Lani sa pagpirma ng contract sa ABS-CBN. Si Bryan ay nanatili sa bakuran ng GMA-7.

Atubili si Bong na pasukin ang pulitika ngunit hindi siya nakatanggi sa hiling ng mga kababayang taga-Cavite. Napilitan siyang tumakbo bilang vice-governor sa ilalim ni Epimaco Velasco. Pinalad naman silang manalo at sa susunod na eleksyon ay pagka-gobernador naman ang tinakbuhan niya. Muling umandar ang agimat ni Bong sa pagkakaupo niya bilang Most Outstanding Governor of Region IV. Ginawaran siya ng plake para sa Recognition of Exemplary and Outstanding Performance.

Bilang vice-governor at governor ay halos lahat ng oras ni Bong at Lani ay naubos sa pagsisilbi sa kanilang mga kababayan. Lahat ng problema ng Cavite ay pinagtulungan nilang lutasin. Puro magagandang projects ang inisip ni Bong para sa ikauunlad ng Cavite. Hindi siya nanghinayang sa nawalang kita sa pag-aartista dahil maligaya rin siya sa paglilingkod sa mga nasasakupan.

Sandaling nag-lowbatt ang agimat ni Bong nang talunin siya ni Governor Ayong Maliksi. Kahit masakit ay maluwag na tinanggap ni Bong ang pagkatalo at hindi na siya nag-protesta. Upang makalimutan ang sakit ng pagkatalo ay binalikan ni Bong ang kanyang first love, ang pag-aartista. Umere sa rating ang Idol Ko Si Kap. Marami ang nagsasabi na natangay ni Bong si Rufa Mae Quinto dahil medyo palaos na si Rufa Mae noon. Pati si Kuya Germs ay hinatak din ni Bong upang maging mainstay ng Idol Ko Si Kap.

Hindi nagtagal ay hinirang na VRB Chairman si Bong upang sugpuin ang paglaganap ng mga pirated CD at tapes. Kabi-kabila ang mga pagbabantang natatanggap niya ngunit hindi siya nasiraan ng loob. Muling umandar ang agimat ni Bong sa mga successful raids na madalas maging kontrobersyal. Ilang raids ang ginawa nila na ang mga vendors ay lumaban, naging dahilan upang magkasakitan.

Sa pagiging VRB Chairman ay nakita ni Bong ang dahilan ng mga vendors ng pirated CD and tapes. Kakulangan sa trabaho, kakulangan sa oportunidad. Naaawa man, itinuloy pa rin ni Bong ang pagsugpo sa video piracy upang gampanan ang nasumpaang tungkulin. Hindi naman siya nabigo dahil sabi nga, he exited gracefully and with flying colors. Si Edu Manzano ang pumalit sa kanya bilang chairman ng bagong OMB – Optical Media Board.

Dahil nahiligan na rin ni Bong ang paglilingkod, nag-aral siya ng Philippine Politics at Legislative Studies sa Development Academy of the Philippines (DAP). Isa raw iyon sa paghahanda kung magkaroon siya ng panibagong pagkakataon sa pulitika. Isa ring dahilan ay ang pagtimo sa isipan niya ng mga hinaing ng kanilang hinuhuling mga vendor ng pirated CD and tapes.

Sa nakaraang eleksyon ay napili si Bong na tumakbong senador sa ilalim ng tiket ni Presidente Arroyo. Parang napilipit si Bong dahil kontra-partido niya ang kanyang ninong na si Fernando Poe, Jr. Dahil hindi makatanggi sa alok ng presidente, tumakbo si Bong ngunit pinilit rin niyang tulungan si FPJ at ang kaibigan niyang si Jinggoy Estrada.

Masayang-masaya si Bong sa pagkakapanalo bilang senador. At mas malaking katuwaan sa kanya ang pagkakapanalo rin ng kaibigang si Jinggoy Estrada. Hindi lingid ang kanilang naging samaan ng loob noong EDSA 2. Ngunit may bahid ng lungkot si Bong sa sinapit na pagkatalo ni FPJ sa nakaraang eleksyon. Bilang senador ay bibigyang-pansin daw ni Bong ang mga problema sa movie industry. Nag-iisip din siya ng paraan kung paano bubuhayin ang industriya na kanyang pinanggalingan.

Tulad ng clamor kay Edu Manzano, may mga nagtatanong kung bakit lumalabas pa rin si Bong sa TV gayong isa na siyang senador. Inamin ni Bong malaki ang kinikita niya sa pag-aartista at magagamit niya ang pera upang tulungan ang mga nangangailangan. Bukod doon, malaki rin ang naitutulong ng sitcom na Idol Ko Si Kap sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga artista at sa crew ng production. Hindi man aminin, halatang enjoy si Bong sa pag-aartista at sa pagiging senador.

Marami ang nagsasabing ang agimat ni Bong ay agimat hindi lang para kay Bong kundi para na rin sa kanyang mga natutulungan.

Richzeal Loreche is a staff writer of FAPWEB Media Bureau and currently a senior Computer Science student.