Nov 10
SHOWBIZ NYAHAHA – ALAY SA EXPAT by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Nov 10, 2004

Ni Sandra Orros Co

Here we go again! Para tayong nakakawala sa kural nito dahil matagal nang nakaipit itong mga nyahaha natin na nagmula pa sa baul ng lolo ko. Sabi ng iba puro tsismis lang daw at intriga ang showbiz kaya eto, patutunayan naming mali ang kanilang hinuha (wow, lalim nun, ha?). Itong unang ratsada natin ay inihahandog ko sa mga cyber surfers na nasa ibang lupain. O, makabayan pa ang dating ko, di ba? Here goes…

  • Tanong: Sino ang pinakamayaman sa showbiz?
    Sagot: Si Don Pepot.
    Tanong Ulit: Sino ang pinakamahirap sa showbiz?
    Sagot Ulit: Si Direk Ed Palimos
  • Matagal nang inamin ni Nova Villa na kapatid niya si Tia Pusit. Matagal na ring itinanggi ni Flora Gasser na kapatid niya si Tia Pusit. Sabi naman ni Tia Pusit, totoong ate niya si Nova, matagal na. At totoo ring hindi niya kapatid si Flora dahil si Flora daw ang nanay nila ni Nova.
  • Tanong: Kung ang Tagalog ng script ay dulang pampelikula, ano sa Tagalog ang script kung ang bida ay si Eddie Gil?
    Sagot: Dulang pampeluka lang.
  • Kuwentong kutsero muna. Sa gubat ay hinahabol ng mga bandido sina Bayani, Tado at Bentong. Dali-dali silang nag-akyatan sa tigi-tig-isang puno. Lumapit ang mga bandido sa ilalim ng puno ni Bayani at sinipat. Para deadma ang dating, sumigaw si Bayani ng “tuko, tuko!” Deadma rin ang paglayo ng mga bandido. Lumipat sila sa ilalim ng puno ni Tado kaya sumigaw si Tado ng “Hooo, hooo!” Nag-alisan ang mga bandido sa pag-aakalang kuwago ang naroon. Lumapit sila sa puno ni Bentong kaya sumigaw si Bentong ng “mweee, mweee.”

    (Editor’s note: Pambihira! Kambing sa itaas ng puno tapos bakla pa!)

  • Tanong: Paano sumigaw ang director na mukhang palaka?
    Sagot: Ko-cut ko-cut.

Pasingit naman. Naunang nag-awayan ang Barretto sisters, sinundan ng hidwaan nina Osang at Vicky Belo. Ngayon si Aleck Bovick at Katherine Luna daw ang nagbabanggan. Eh, Tita, sino ba yung mga yun, ha? Aba, take note, parehong award winners daw sila. So what! Buti pa ang D’ Bodies na nakakaaliw kahit na hindi mo malaman kung singers o dancers o mga receptionists ng cabaret. Oops, Tito, ano nga ba ang cabaret, ha? Ang kaso ng D’ Bodies sa City of Manila ay nobodies na, nagkalimutan na yata. Ano naman kaya ang say ni Keanna Reeves? Hoy, may anak na siya kaya isa na siyang Keannang ina! O, ayan ang mga sexpots para sa mga expats! Tuloy tayo sa nyahaha.

  • Kuwentong bolabeys naman. Nagkaharap sa party si Dolphy, Eddie Garcia at Ramon Revilla. Makalipas ang ilang tunggaan ng red wine ay lumabas ang mala-Rod Navarrong hangin na itinatago ng tatlo. Sabi ni Ramon Revilla, lahi sila ng matatanda. Katunayan daw ay Kastila ang sulat sa birth certificate ng tatay niya. Hindi nagpadaig si Eddie Garcia, yung birth certificate daw ng tatay niya ay Latin daw ang sulat. Umubo muna si Dolphy bago nagsalita. Yung birth certificate ng tatay niya ay hindi lang luma kundi napakaluma na dahil ang sulat doon ay hieroglyphics pa.
  • Tanong: Bakit natanggal sa eksena ang bida?
    Sagot: Nawalan siya ng eksena kasi nagkaroon siya ng eksema.
  • Sa pagtatagpo ng isang executive ng ABS-CBN at GMA ay hindi naiwasan ang patalbugan. Mas marami raw high rating shows ang ABS. Sagot ng kalaban, mas maraming high rating ang GMA sa primetime. Hirit ulit, mas marami raw artista ang ABS. Sagot, mas marami namang artistang sikat sa GMA at sa GMA naroon ang pinakamatangkad na artista, 6-6 ang height ni Benjie Paras. Sagot ng ABS, meron silang artista na 7-3 ang height. Sabay alis ang executive ng ABS, naiwang nakatanga ang executive ng GMA. Hindi niya alam na ang sinasabing 7-3 ay si Mahal na 7 inches at 3 feet ang height.
  • Tanong: Paano pumirma si Mura sa padala niyang card sa secret love niya?
    Sagot: Unanomous.
  • Noong maliit pa sila ay madalas biruin ni Niño ang pinsan niyang si Aga. Eto ang isang insidenteng puwede nang kalimutan.
    Niño: Nakapulot ako ng 100 pesos.
    Aga: Wow, libre naman, o.
    Niño: Kaso nakita ako ng pulis kaya sabi niya hati raw kami.
    Aga: Wow pa rin, libre naman, o.
    Niño: Kaso kinuha ng pulis yung 100, pababaryahan daw niya. Tapos hindi na bumalik.
    Aga: Wow, tanga naman. Bakit mo ibinigay ang pera sa pulis?
    Niño: Di bale, iniwan naman niya ang batuta sa akin.
    Aga: Nasaan ang batuta?
    Biglang hinatak ni Niño pababa ang kanyang shorts.
    Niño: Eto, o.
    Aga: Naku, niloko ka ng pulis. Hindi naman batuta ang iniwan niya, pito yan eh.

    (Editor’s Note: May kalaswaan na ito, ha?
    SOC’s Note: Mga bata naman, Mr. Editor, kaya walang malisya.
    Editor’s Note: Mas lalo ngang malaswa kasi pedophilia yan.)

Bukod sa aming over-decent editor, wala sanang ibang magre-react sa mga nyahaha ko dahil sabi nga ng mga bold starlets – for the sake of art. Ako naman – all in the name of humor. Kaya sa mga artistang pinaglaruan ko at paglalaruan pa, wala pong personalan, pang-nyahaha lang. Again, alay po ito sa mga expats, sa mga kababayan nating malayo sa piling ng ating Inang Bayan.

At sa mga gustong mag-contribute ng kanilang nyahaha, email your nyahaha to fapwebmb@yahoo.com with the subject NYAHAHA. Lahat ng magpadala ay ipa-publish ang pangalan… kung hindi corny, ha? Till then, Batuten and arrivederci, Pichi-pichi… S.O.C.