Nov 10
THE CRISTY-NADIA BATTLEFRONT by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Mon, Nov 10, 2008

Lately ay umaatikabo na naman ang labanan sa entertainment scene. At isa sa pinaka-mainit na issue ay ang labanang Gabby Concepcion versus Rose Flaminiano. Isang relasyong talent-manager na nauwi sa hindi maganda. Ang pinag-ugatan ng issue ay ang transparency ng talent fee na ayon kay Gabby ay ibang amount ang nalalaman niya at iba rin ang actual na natatanggap ng kanyang manager.

Ang nasabing labanan ay nagkaroon ng parang side bet kung saan napasali sina Cristy Fermin at Nadia Montenegro. Si Nadia ay tinawag ni Cristy na “sulsultant” ni Gabby dahil puro panunulsol daw ang ginagawa niya kaya nagkaroon ng misunderstanding sina Gabby at ang manager nito. Uminit nang uminit ang palitan ng putok hanggang dumating ang pagkakataon na nag-guest sa The Buzz si Nadia.

Kasalukuyang nasa Canada si Cristy Fermin nang magbuga ng apoy si Nadia noong September 28 sa mismong The Buzz na co-host din si Cristy. Pakiramdam raw ni Cristy ay na-traydor siya dahil itinaon nga na wala siya. But in fairness sa staff ng The Buzz ay ipina-alam naman daw kay Cristy ang nasabing pag-guest ni Nadia.

Unang nilinaw ni Nadia ang paratang ni Cristy about her quarrel with Gretchen. Nabalita na nagtagpo sa Rembrandt Hotel ang dating magkaibigan ngunit hindi natupad ang inaasam na pagbabati nina Nadia at Gretchen. Witness si Cristy Fermin sa nasabing meeting ngunit pinabulaanan ni Nadia ang ibang sinabi ni Cristy gaya ng pag-amin niya (Nadia) na siya ang pinagmulan ng text (ang mapanirang text na nagli-link kay Gretchen at Dodie Puno). At ang isa pang punto ni Nadia ay ang pinalalabas ni Cristy na kontra raw si Boy Asistio sa mga ginagawa ni Nadia.

Sa pagbabalik ni Cristy sa bansa ay agad siyang nagpa-schedule sa The Buzz kung saan ay sumalang siya sa interview ni Boy Abunda noong October 5. Like a typical journalist, sinagot ni Cristy nang point by point ang mga binitawang salita ni Nadia. Lalong naging masalimuot ang kanilang labanan dahil naungkat na ang mga personal nila. Sa sinabi ni Nadia na may sakit ang nanay ni Cristy kaya dapat ay yun na lang ang kanyang asikasuhin, bumuwelta si Cristy na hindi kumporme ang mother ni Nadia sa kanyang mga ginagawa (nasa abroad si Mrs. Montenegro).

Isa rin sa mga issues ang paggamit ni Cristy Fermin ng kanyang panulat para sa personal gains niya. Pati na rin ang mga masasamang salita na patungkol sa katabaan ni Nadia ay kasama rin sa pinagtatalunan. Nabanggit rin ang pagkatalo ni Cristy sa kasong libel na isinampa ni Anabelle Rama at Eddie Gutierrez. (Isang milyon ang damages na ipinataw ng korte bilang kabayaran ni Cristy sa mapanirang artikulo na nagsabing may tinakbuhang utang ang mga Gutierrez sa Amerika). Sa lahat ng issues na ibinato ni Nadia at sinagot naman ni Cristy, ang pagtawag ni Nadia ng “walang budhi” ang ikinasama ng loob ni Cristy.

At bilang ganti kay Nadia ay nagbitaw ng napakabigat at napakalaking paratang si Cristy Fermin laban kay Nadia Montenegro. Alam ng lahat na si former Mayor Boy Asistio ang karelasyon ni Nadia ng mahabang panahon. Kaya hindi biro ang sabihing nagkaanak si Nadia nang hindi nalalaman ni Boy Asistio.

“Nadia, mahigit dalawang taon na ang nakararaan, nagdalang-tao ka na hindi alam ng karelasyon mo, hindi alam ng pamilya mo. Nagpunta ka sa isang ospital na matatagpuan sa pagitan ng Mandaluyong at Pasig. Pumasok ka ng alas-dose ng hatinggabi, inoperahan ka kinaumagahan, nagsilang ka ng sanggol na babae, nagtago ka sa pangalang Nadine Villegas. Nadia, umuwi ka ng bahay, hindi mo dinala ang sanggol, pina-alagaan mo sa isang kaibigan mong aktres na kilala natin pareho. Pagkatapos ng ilang buwan, pinadala mo ang bata sa inyong tahanan, ipinakilala mo sa karelasyon mo at sa iyong mga anak bilang ampon mo.

“Nadia, sino sa atin ngayon ang walang budhi? Ako na nagmahal at nagkaroon ng ekstensyon at oportunidad na magmahal ng dalawang bata na hindi ko dugo, o ikaw na hinugot sa sinapupunan mo ang isang sanggol pero hindi mo binigyan ng pangalan? Manalamin tayo nang sabay ngayon.”

Subsequently ay nagsampa ng reklamo sa MTRCB si Nadia. Dapat raw ay patawan ng parusa ng censors si Cristy dahil sa kawalan ng ethics. Hindi naman kumilos ang MTRCB at pinanindigan na hindi nila saklaw ang nasabing problema.

After one week ay ipinatawag ng pamunuan ng ABS-CBN si Cristy upang hingian ng paliwanag kung bakit pati ang personal na issue ay kailangan niyang banggitin sa The Buzz. It is a fact that ABS-CBN is sensitive to children’s rights. Kung iisiping maigi ay parang natapakan nga ni Cristy ang karapatan ng subject matter. Ilan ba ang ampon ni Nadia? Paano kung sa paglaki ng bata ay muling maungkat ang paratang ni Cristy?

Effective October 15 and to last until December 31 of this year ay sinuspindi ng ABS-CBN si Cristy Fermin sa kanilang tv at radio station. Sa taong ito ay hindi na makikita si Cristy sa The Buzz at hindi na rin siya maririnig sa kanilang panghapon na programa ni Jobert Sucaldito sa DZMM na Showbiz Mismo.

Tinanggap naman ni Cristy ang nasabing suspension pero nagtatanong siya kung bakit pati ang kanyang radio program ay nadamay. Hindi na nagbigay ng paliwanag ang ABS-CBN. Sa ngayon ay bumalik si Kris Aquino sa The Buzz bilang kapalit ni Cristy samantalang tuloy naman ang column ni Cristy sa Pilipino Star. Sa kabilang panig ng gyera, halos tahimik na si Gabby Concepcion at wala nang naririnig sa dating maingay na bangayan nila ni Rose Flaminiano. Although may nakabiting demanda si Gabby para ipawalang bisa ang management contract niya kay Mommy Rose, masasabing civil pa rin sila sa isa’t isa.

Sa side naman ni Mommy Rose ay sumulpot ang isa pang problema involving Rosemont Executive Villa sa Tarlac na pag-aari ng RALF Realty na pinamumunuan ni Mommy Rose. Tumungo sa office ni VP Noli De Castro sina Aster Amoyo at Maui Taylor. Ang reklamo ay tungkol sa pagtangap ni Aster at Maui ng demand letter mula sa Pag-Ibig. Lumilitaw na may housing loan pala si Aster, Maui at pati na sina Aubrey Miles at Ara Mina. Ang lahat ng housing loan na delinquent na ngayon ay hindi nila alam at ayon kina Aster, Maui, Ara at Aubrey ay tanging si Mommy Rose lang ang nakakaalam. “In fact,” sabi ni Aster, “application lang ang alam namin at hindi sa amin sinabi na na-approve ang housing loan.” At dahil delinquent na ang loan kaya sinisingil ng Pag-Ibig sina Aster. In fairness kay Rose Flaminiano ay 27 installments na ang nabayaran sa mga nasabing loans.

Lumilitaw na pati si Robin Padilla at ang namayapang si Rudy Fernandez ay pinangakuan din ng house and lot bilang kabayaran sa kanilang services as endorser. Nananawagan nga si Aster sa iba pang artista na naloko sa nasabing transaction.

Malamang na ma-resolve na rin ang issue na ito sa pagsagot ni Rose Flaminiano ngunit until press time ay hinihintay pa rin ang kanyang paliwanag.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/