Oct 27
FAN BASE (Part 2) by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Mon, Oct 27, 2008

Sa paggawa ng isang movie ay napakalaking bagay ng casting. Kaya nga minsan ay meron pang Casting Director para merong nag-iisip kung kaninong mukha ang dapat ipatong sa particular na character ng istorya. Ang casting din ang nagdadala sa movie pagdating sa promotions gaya ng billboards at printed advertisements lalo na sa live guesting. Admittedly ay directly related sa casting ang fans.

Ang kahalagahan ng casting ay napatunayan ng mga digital movies. Maraming digital na kahit maganda ang istorya ay hindi naman pinansin ng tao dahil bukod sa limitado ang venue at kulang ang promotion ay hindi pa sikat ang mga bida nila. Kaya kahit nanalo ng award sa mga international film festivals ay hindi pa rin pinansin dito dahil ang halimuyak ng casting ang hanap ng moviegoer.

So far, ang accepted record holder ng may pinakamalaking gross ay ang Tanging Ina ni Ai-ai Delas Alas na umabot daw ng P200 million gross. Pero the success of the movie cannot be solely attributed to Ai-ai dahil napakalalim at napakalawak ng casting nito. Tambak ang young stars at hindi matatawaran ang promotions. Tanging Ina is unlike A Very Special Love na talagang ang nagdala ay ang casting. Kaya nga ang tanong ay kung bakit 13 million lang ang gross ng ITALY, wala na bang fans si Jolina at si Dennis Trillo? Siguro nga wala na.

In the tradition of Tanging Ina ang pagkakagawa ng Bahay Kubo. Si Maricel Soriano ang main lead nito with a host of support from the young stars pati na rin sa ubiquitous supporting role of Eugene Domingo. Mahirap ipinta ang Bahay Kubo dahil hindi maintindihan kung comedy o drama. Hindi biro ang magtimpla ng emotions pagdating sa directing. At lalong hindi biro ang promotion nito dahil mahirap balansehin ang mga pangalan ng artista. Can you imagine na 7 ang anak ni Maricel headed by Marian Rivera, Yasmien Kurdi, Shaina Magdayao atbp. Ang tanong, kikita kaya ang Bahay Kubo kung hindi si Maricel ang ginawang bida?

Anuman ang pinag-uusapan, commercial endorsements, reading materials o ang movie per se ay casting pa rin ang talagang nangingibabaw. Loosely translated, ang casting ay ang pangalan ng mga artista. Sino ba ang magbabasa ng tabloid kung ang naka-feature ay puro hindi kilalang artista? Bakit puro artista (o entertainment personality) ang nasa cover ng FHM? At gaya ng tanong ng mga digital movie producers, sino ba ang manonood ng pelikula kung hindi kilala ng madla ang bida?

Getting down to the simple and basic question – bakit masasabing sikat ang isang artista – ay simple and basic din ang kasagutan. Ang isang artista o tao (for that matter) ay nagiging sikat dahil sa pagkakaroon niya ng tagahanga. Sa English ng tagahanga ay fan. That means na sisikat lang ang isang personalidad kapag nagkaroon na siya ng tagahanga. That is short of saying na ang mga nagiging sikat ay may sariling audience o fans. Kaya nga payo ng mga veteran talent managers na magpasikat ka muna sa pamilya at neighborhood nyo bago ka sumabak sa showbiz.

Siguro ay malinaw na ang ibig kong sabihin na dapat bigyang pahalaga ang mga movie fans dahil sila ang nagiging liyabe sa ikapagtatagumpay ng isang pelikula. The fans form the bulk of the initial audience. Ang initial audience ay ang mga manonood sa first day. Sila rin ang dumudumog sa mga premier at sila rin ang nakatanghod sa mga artista kapag may mall tour. Ang initial audience na ito ang nagkakalat ng balita, yung tinatawag na word of mouth promotion. Ano kaya ang mangyayari kung naglilibot sa mga sinehan ang mga bida ng isang movie at wala namang pumapansin sa kanila? That means wala silang fans, di ba? At pag walang fans, that means hindi talaga sila sikat.

Do you remember the first and last starring role of Palito? Interpool ang title ng movie niya na 3 araw lang naipalabas sa mga sinehan. Sad to say na hindi ito kumita. Bakit naman, wala bang tagahanga si Palito? Wala bang natutuwa sa kanyang comedy? Siguro ay maraming natutuwa sa kanyang mga patawa pero hindi masasabing may fans si Palito na gaya ni Dolphy o ni Vic Sotto, hindi ba? Ano kaya kung may legion of fans si Palito? I’m sure na extended ang showing ng Interpool at baka magkaroon pa ito ng re-showing after ilang years. Ganyan ang kapangyarihan ng mga fans.

Gaya ng common slogan ng mga performers na kahit walang bayad basta may palakpak lamang, applicable din ito sa movies. Kahit anong ganda ng istorya, kahit anong galing ng casting at kahit gaano katindi ang promotions pero kung walang fan base ang cast ng movie ay hindi puwedeng asahan ang pagkita nito.

Ilang beses na sinabi ni Rico Puno na noong nag-uumpisa siya ay meron siyang mga loyal fans sa katauhan ng kanyang mga kaibigan. Tuwing kakanta raw siya sa isang club ay halos wala siyang naiuuwing pera dahil ang talent fee niya ay pambayad lamang sa ininom at kinain ng mga friends niya na matiyagang nanonood at pumapalakpak sa kanya gabi-gabi. At dahil sa ingay ng nasabing mga palakpak ay umabot si Rico Puno sa Penthouse 7 para kantahin ang kanyang novelty song (Taglish version ng Love Won’t Let Me Wait ni Isaac Hayes). At iyung mga gigs niya sa nightclub ang pinag-ugatan ng kasikatan ni Rico J. Ang fan base pala niya ay ang kanyang mga kaibigan.

Sa pag-angat ng technology ay naiiba na ang kalakaran ng buhay. Ang dating mga entertainment magazines ay parang nawala at nalipat sa mga so called e-zines (electronic magazines sa internet) at ang mga balitaktakan o talk shows ay napunta na sa mga forum. Ang pinakasikat na e-magazine ay ang www.pep.ph at nasa loob ng nasabing website ang isa sa sikat na forum. Ang forum ay webpages na puno ng bulletin boards na puwedeng mag-post ng message ang mga members. Ang mga nasabing messages ay mababasa ng lahat ng papasok sa forum na iyun. (Note: For the forum of FAP website, click this link: www.filmacademyphil.org/forum)

Para sa isang nagliliwaliw sa mga e-zines at forums ay mapapansin ang kaibahan ng mga artistang may fan base at wala. Hindi biro ang makipagtalo sa mga tagahanga ni Claudine Barretto dahil hindi ka nila tatantanan. Mag-ingat rin sa mga fans ni Sharon Cuneta dahil baka mapuno ng hate mails ang iyong inbox. Ganun din ang mga fans ni Vilma Santos, hindi puwedeng basta biruin dahil delikado pag napikon sila. At kahit nasa Amerika si Nora Aunor ay buhay na buhay sa internet ang kanyang mga fans.

Sa mga forum ay kasing init ng baga ang suporta ng mga fans nina Maricel Soriano, Judy Ann Santos, Kristine Hermosa, Bea Alonzo, Angel Locsin, Marian Rivera at lately ay naglitawan na rin ang mga fans ni Sarah Geronimo. Karamihan sa kanila ay may e-group kung saan puwede silang magpalitan ng private messages sa internet. At dahil sa ganitong networking kaya hindi kataka-taka kung paano kumakalat ang mga issues tungkol sa mga artista. Kung may text brigade at email brigade, meron na rin ngayong forum brigade. Ito ang grupo na magre-register ng membership para bombahin ng mga messages (about their idol) ang isang forum.

Napakadaling isipin ang positive aspect about these networking systems. Hindi mahirap mag-promote ng movie sa internet if one knows the tricks. Pero syempre dapat kabisado mo ang kiliti ng mga forums at kung paano mo makukuha ang kanilang suporta. Paano ka magpo-promote ng movie ni Nora Aunor sa forum ng mga fans ni Vilma Santos?

There are no statistics but based on one’s experience, ang internet ang nagiging venue ng mga latest na balita sa ngayon lalo na sa showbiz. At very conspicuous ang presence ng mga fans sa internet dahil sila ang nagdadala ng agos. Ang isang advantage ng internet ay nagagamit din ito sa promotion ng isang movie.

Sana ay hindi nakakalimutan na ang mga movie fans ang unang haligi ng movie industry. Habang nariyan sila ay hindi tuluyang mawawala ang mga local movies dahil sa kanilang pagtangkilik at suporta. Sa kabila ng mga hinaharap na problema ng movie industry gaya ng piracy at excessive taxes, ang movie industry ay nakakaraos pa rin dahil sa mga movie fans. Ito sana ang bigyang pansin ng Film Academy, Film Development Council at pati na ng ating gobyerno – an office that will cater to the organized fan base ng ating mga celebrities.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/