Oct 17
FAN BASE by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 17, 2008

(First of two parts)

“Kadalasan ay midweek, naku, kay haba ng pila sa mga sinehan sa downtown,” ang sabi ng isang nakatatandang movie fan. Sa kanyang alaala, halos linggo-linggo ay may bagong movie na ipinalalabas sa Dalisay, Life, Ideal at sa iba-ibang sinehan sa Maynila noong araw.

Ayon sa ilang statistics ay umaabot ng 300 movies ang ginagawa at naipapalabas sa loob ng isang taon ngunit ngayon ay abot na lang sa 50 movies at kasama pa dyan ang Metro Manila Festival, ang tanging festival na nagbibigay buhay sa movie industry. Ilang taon na ring nawawala ang Manila Film Festival dahil sa kakulangan ng sponsors. And speaking of sponsors, tila hindi na rin ma-appeal sa mga sponsors ang mga awards dahil na rin siguro sa mga anomalya (the most recent was two years ago sa Star Awards nang umamin si Jobert Sucaldito na nagbigay siya ng 30,000 pesos sa isa sa mga judges para ipanalo si Jodi Santamaria – na hindi naman nasunod kaya lumitaw ang issue).

Isang masugid na moviegoer ang minsang nagsabi na dapat pag-aralan hindi lang ang sanhi ng pagkalugi ng movie industry kundi dapat ding hanapin kung anong dahilan ang magbibigay ng gana sa ating mga producers. At isa na rito ay ang full support ng mga fans. Hindi nga ba’t ang mga fans ang nagdala sa movie industry noong kapanahunan ni Carmen Rosales at Rogelio Dela Rosa? Ang mga movie fans din ang nagpalago sa industriya noong kasikatan nina Susan Roces at Amalia Fuentes? At bakit ba nagkaroon ng tunggaliang Nora versus Vilma kung wala rin lang fans, hindi ba?

Sa masusing pagbalangkas sa mga nangyayari, ang laging sinasabing dahilan ng pagbagsak ng movie industry ay video piracy. Hindi ba natin naiisip na baka ginagamit lang na dahilan ang piracy upang hindi maibangon ang movie industry? Sa husay ng technology ay hindi na talaga mapipigil ang video piracy lalo pa ngayon na may tinatawag na flicker piracy kung saan kumokopya ng pelikula sa pamamagitan ng maliliit na camera o kahit celphone camera pa.

art-081017-fan-base.jpg
Cover of a pirated vcd via flicker method

Piracy aside, hindi pa rin basta maitatayo ang nakalugmok na industriya dahil andyan din ang problema ng unreasonable taxes. Sa isang pelikulang pupuhananan ng hindi bababa sa 10 milyon (sa traditional film pero kung digital ay malaki ang kababaan) ay one-third lang ang makukuhang share ng producer sa tinatawag na gross sales. On the brighter side, maganda rin ang incentive ng CEB (Cinema Evaluation Board) na kapag nabigyan ng rating ang isang movie ay translated na ito sa tax rebate. Ang rated A ay tax free at ang rated B naman ay 35% lang ang tax. Kaya maganda na rin ang magiging partihan sa makukuhang two-thirds ng producer kapag na-rated A ang kanyang movie. Ang one-third ng gross ay ang bahagi na napupunta sa may-ari ng sinehan.

Sa isang straightforward na premise ay hindi biro ang pagbawi ng 10 milyon na capital sa isang movie. Ito siguro ang dahilan kung bakit naglipana na rin ang mga digital movies dahil malaking kamurahan ang paggawa nito (approximately a mininum of P2 milyon capital excluding the expenses for promotion). Ngunit hindi pa rin talagang established ang digital movies dahil masyadong limitado ang venue. Ang digital movie na Ate ay produced ni Ara Mina starring herself and her sister na si Cristine Reyes ay kumita lamang ng P2.5 million.

Sa traditional commercial film, ang Dobol Trobol ni Dolphy at Vic Sotto ay may official na 90 million gross. Kung sakaling ito ay rated A sa CEB, that means mga 60 milyon ang napunta sa producer. Hindi na masama dahil sigurado namang tumubo ang producer kahit sabihing malaki ang talent fee ni Dolphy at Vic Sotto. By the way, co-producer ng nasabing movie si Dolphy at Vic.

How about naman sa ilang movies na hindi kumita? Gaya ng Anak Ng Kumander na pinagbidahan ni Manny Pacquiao at Ara Mina, sinasabing 30 milyon ang puhunan dito. Bentahe pa ito dahil sa pagiging entry nito sa Metro Manila Film Festival kaya lumalabas na libre ang promotions. Pero ayon sa mga report ay hindi man lang umabot sa P5 milyon ang gross sales ng nasabing movie. Ang tanong nga ng ilang nagtataka ay kung nasaan na raw ang mga fans ni Manny sa boxing? Hindi nga ba’t laging blockbuster ang bawat laban ni Manny dahil siya nga ang tinaguriang Pambansang Kamao? At majority ng mga Pilipino ay fans ni Manny, hindi ba?

Ang most recent blockbuster movie ay ang A Very Special Love na parang isang phenomenon. Hindi ito inaasahan dahil medyo baguhan ang director na si Cathy Molina at first time din na isalang sa lead role si Sarah Geronimo although ang leading man na si John Lloyd Cruz ay datihan na pagdating sa box office na usapan. For this year ay ang A Very Special Love ang may hawak ng highest gross na 180 million.

Another blockbuster, but to a lesser degree, ay ang For The First Time ni KC Concepcion at Richard Gutierrez na bumenta ng 130 million. Understandable ito dahil full support si megastar Sharon Cuneta at todo kayod din si Annabelle Rama. At syempre, dahil Star Cinema ang producer kaya nakasandal ang movie sa ABS-CBN na tambak ang promotions tuwing commercial break. Ganunpaman ay hindi rin bebenta ang nasabing movie kung walang appeal sa mga fans ang mga bida.

Siguro it’s about time to recognize the value of movie fans. Until now ay buhay na buhay pa ang mga organized fans. Although hindi kasing ingay noong araw, ang mga fans club ng mga artista ay isang block of support na nagbibigay ng assurance sa producer na kahit paano ay kikita o mababawi man lang ang kanilang puhunan. Hindi bebenta ng 140 million ang Caregiver ni Sharon kung hindi si Sharon ang bida rito. Hindi rin bebenta ang A Love Story kung hindi si Maricel Soriano ang leading lady ni Aga Muhlach. At kahit sabihing digital at mahina ang istorya ay naka-break even pa rin ang Ploning dahil si Judy Ann Santos ang nakabandera dito.

Bakit may nag-iisip na gumawa ng movie para kay John Lloyd Cruz at Vilma Santos? Kung narito lang si Nora Aunor ay siguradong may follow up na ang kanyang Naglalayag (with Yul Servo). Ano kaya kung magkaroon ng movie na stellar billing si Amalia Fuentes at Susan Roces? Eh kung pagsamahin sa isang movie si Piolo Pascual at Dingdong Dantes?

Mula pa noong araw ay markado na sa mata ng mga producers ang mga taong sumasambulat sa limelight. Ang mga personalities sa sports na gaya ng boxing at basketball ay madalas na nagagawi sa showbiz. Hindi lang isang movie ang nagawa ni Flash Elorde at ang mga basketball players na sina Robert Jaworski, Francis Arnaiz pati na si Alvin Patrimonio atbp. Ang huling movie ni Fernando Poe, Jr. ay ang Pakners kung saan kasama niya si Efren Bata Reyes, ang Pinoy champion sa bilyar.

Andyan din ang mga beauty queens na gaya ni Lalaine Bennet, Alice Crisostomo at ang ilang mga beauty queens na talagang nabaon na sa showbiz gaya ni Maria Isabel Lopez, Melanie Marquez at Ruffa Gutierrez.

Nitong mga nakaraang taon ay parang si Manny Pacquiao na lamang ang nasa limelight kaya halos nag-agawan kay Pacquiao ang mga nangangailangan ng endorser. May pipitsuging sardinas na ang commercial ay kumakain si Pacquiao ng nasabing sardinas habang nag-eensayo. Kinuha rin siya ng foreign fastfood na McDonald. At nabalitang may isang banko na interesadong gawing endorser ang Pambansang Kamao. Hindi naman nagtagal at binitawan din ng McDonald si Pacquiao sa pagiging endorser nito. Ang katuwiran ay hindi naman daw tumaas ang kanilang benta. Kaya ang naging tanong ay nasaan ang mga fans ni Pacquiao?

Si Richard Gutierrez ang bagong endorser ng ng Unique toothpaste. Lalakas kaya ang benta ng Unique? Sa ngayon ay number 1 sa toothpaste ang Close-up, followed by Colgate and Happy. Incidentally, 20% ng employees ng Happy Toothpaste ay mga disabled na pipi at bingi dahil may pagka-pilantropo pala ang owner ng Happy. Ang Unique toothpaste naman, 13 years nilang endorser si Tintin Bersola at sabi ng owner na hindi naman tumaas ang benta nila. Baka bukas ang maging tanong ay nasaan ang fans ni Richard Gutierrez, bakit lugi pa rin ang Unique?

Hindi masasabing ang pagiging endorser ni Aga Muhlach ang nagbubuhat sa gross sales ng Jollibee. Ang local fastfood na ito ang number 1 sa mga Filipino companies in terms of profits and growth. Mabagsik ang promotional at marketing system ng Jollibee kaya alam din nila na kahit sino ang maging endorser ay kikita ito. Puwede sigurong sabihin na may legion of fans ang Jollibee lalo na kung titingnan ang mga bata.

Kapansin-pansin na kumokonti na ang mga commercial endorsements ni Angel Locsin. Kasabay ng paghina ni Angel ang paglakas ni Marian Rivera sa linya ng mga commercials. Ang very popular supporting actress na si Eugene Domingo ay marami na ring mga commercials. Bakit, may mga fans na ba si Eugene Domingo?

(To be continued: Part 2 next week)

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/