Dec 08
FAP SCRIPT CONTEST SIDELIGHTS by Kiko Arroyo  |  Posted in Articles  |  on Wed, Dec 8, 2004

PAUNAWA: Extended ang deadline ng 1 st FAP Scriptwriting and Storyline contest. Puwede pang mag-submit ng mga entries hanggang JANUARY 15, 2005, SABADO. At this early, sasabihin na naming puwedeng mag-submit until midnight of January 15, 2005. Iwan na lang ninyo sa guard ng Octo-Arts building.

As of the November 30 deadline, 72 scripts at 90 storylines ang dumating sa Film Academy. Medyo sumakit ng konti ang ulo namin, hindi dahil sa dami ng entries kundi dahil sa hindi pagsunod ng mga submitters sa mga alituntunin. Eto ang aming listahan.

1. Deadline violators. Maraming humihirit until midnight ng Nov. 30. At hindi pa nagkasya, may nagmakaawa pa noong Dec. 1 para tanggapin namin ang submission. Naitanong tuloy ng aming editor, “Ganito ba talaga ang mga writers? O sadyang ganito ang mga Filipino?” Lagi na nga lang naman kasing habol sa huling biyahe.

2. Envelope violation. Maraming entries ang hindi sumunod sa paggamit ng white letter envelope. Sa loob ng white letter envelope dapat nakalagay ang notarized entry form. Sa loob naman ng malaking brown envelope nakalagay ang script, synopsis, character list, sequence treatment at ang white letter envelope. May ilang gumamit ng short brown envelope, ha? At yung iba naman wala talagang envelope na akala mo taong walang damit.

3. May ilang entries na hindi man lang naka-fastener. Buti na lang maingat kami sa pag-handle kaya hindi sumabog ang mga pages ng script.

4. May entries din na walang page number. Paano na kapag nagkahalo-halo ang mga pages ng script?

5. Maraming entries ang may pangalan under the title of the script. Aba, dapat sigurong ipabasa sa kanila ang contest rules, ano?

6. Meron ding entries na kulang sa 80 pages o kulang sa 40 sequences. Malamang na hindi rin nagbabasa ng contest rules ang mga ito o sadyang matigas lang ang ulo.

7. May 2 humabol noong Dec. 1 para sa entry nilang na-submit ng Nov. 30. Yung una, nakalimutang lagyan ng pangalan ang entry form (pero notarized naman). Yung isa naman, lumang version ang naibigay kaya gustong ipalit ang dala niyang bagong version ng storyline.

8. Merong ilan na nag-submit ng several entries under their name. Ang nasa regulation ay 1 entry per writer, di ba?

Dagdag pa sa problema ay ang hindi pagkaunawa ng English. The rule says to submit a “one-page synopsis, character list, sequence treatment.” Mahigit 5 calls ang natanggap namin at maraming emails din ang dumating, lahat ay nagtatanong kung magkasama sa isang page lamang ang synopsis + character list + sequence treatment. So, we are rewriting the rules for easier understanding. Gusto sana naming gawing Tagalog ang rules kaya lang baka may humirit namang mga Bisaya at mga Ilocano.

Sa kabilang banda, nakakabilib yung isang nag-submit ng script na naka-book bind pa. Kung presentation ang contest siguradong panalo na ito.

Ibinalik na namin ang contest rules at entry form sa announcement area ng website na ito. Nakikiusap ang contest committee na sana ay basahing mabuti ang mga nasasaad sa contest rules bago kayo mag-submit. Ang mga katanungan ay puwedeng ipadala sa email naming fap_web@yahoo.com o kaya ay sa fapwebmb@yahoo.com

Sa mga nag-submit, good luck. Sa mga magsa-submit, good luck din.